Ni: Throy Catan

BALIK sa horror film genre ang aktres na si Kim Chiu sa “The Ghost Bride” na mapapanood sa labas ng bansa via TFC@theMovies simula nung Huwebes November 16.
Isang kakaibang tradisyon ang bibigyan-buhay ng premiyadong aktres na si Kim Chiu sa nakakikilabot na horror-mystery film ng Star Cinema na ‘The Ghost Bride’, na mapapanood sa labas ng bansa via TFC@theMovies ngayong Nobyembre.
Ayon sa direktor ng pelikula, ang master filmmaker na si Chito S. Roño, ang konsepto ng pelikula ay hango sa makalumang Chinese tradition na arranged marriage. Aniya: “Arranged marriage is common sa mga kapatid nating Chinese, but there is darker side of the tradition. There are women who are arranged to be married with dead people, which is being discouraged not only by the government but also by the women themselves”.
Ang kuwento ay umiikot sa buhay ni Mayen (Kim), isang babae na isusugal ang kaniyang buhay upang matulungan ang kaniyang pamilya. Gagawin niya ang kakaiba at misteryosong tradisyon nang pagpapakasal sa isang taong patay, sa payo ng isang misteryosang matchmaker na si Madame Angie Lao (Alice Dixson).
Ang pelikulang “The Ghost Bride” ay ang pagbabalik ni Kim sa horror genre. Ito rin ang ikatlong pagkakataon niyang makatatrabaho si direk Chito, na una niyang nakasama sa ‘The Healing’ noong 2012 at sa “Etiquette for the Mistresses” noong 2015. Sey ni Kim: “Sobrang thankful ako kasi si direk Chito ang naka trabaho ko dito, medyo sana’y na ako sa kanya kasi ilang beses ko na din si direk naka work , kaya magaan at mabilis po ang lahat kahit may mga mahihirap na scene po.”